
CAUAYAN CITY – Sinimulan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) region 2 ang pagproseso sa mga dokumentong kailangan sa pagsasagawa ng dredging sa Cagayan River.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ng DENR region 2, sinabi niya na prayoridad nila ang pagsasagawa ng dredging sa Cagayan River sa susunod na taon.
Isa aniya sa kanilang prayoridad katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagtanggal sa mga sandbars na siyang dahilan kung bakit mababaw na ang mga ilog.
Natapos na ang kanilang inspeksyon sa ilog mula Bunton sa Tuguegarao City hanggang Aparri, Cagayan at nalaman na ang mga lugar na prayoridad na ayusin.
Ayon kay Regional Executive Director Bambalan, may mga nag-apply na sa kanila na gustong tumulong sa pagsasagawa ng restorasyon ng ilog.
Maliban sa dredging ay marami na ring ahensiya ang nagtungo sa kanilang tanggapan para tumulong sa reforestation tulad ng Department of Trade and Industry (DTI) sa kanilang Bamboo Industry Development Project.
Ang DENR naman ang naatasang maghanap ng lugar sa kahabaan ng Cagayan River na puwedeng pagtaniman ng mga kawayan o buho.
Kung hindi maaaring taniman o gawin ang dredging ay magtatayo na lamang sila ng mga flood control structures upang maibsan ang pagbaha.
Nagtalaga na rin ng dalawang task group ang Regional Development Council (RDC) na pinamumunuan ni Governor Rodito Albano.
Ito ay ang Vegetative Task Group na magsasagawa ng reforestation at ang Engineering Task Group na pamumunuan ng DPWH.
Ayon kay Regional Executive Director Bambalan, patuloy ang pag-evaluate ng DPWH sa clearance ng mga pribadong grupo na magsasagawa ng dredging at may dalawang proponent nang nabigyan at pinoproseso na ang environmental clearance.
Umaasa ang DENR Region 2 na sa buwan ng Enero ay masisimulan na ang proyektong restorasyon sa Cagayan River.




