--Ads--

Naaresto ang isang driver ng softdrinks matapos maikasa ang drug buy-bust operation ng Cauayan City Police Station katuwang ang PDEA sa Barangay Turayong, Cauayan City, Isabela.

kinilala ang suspek na si alyas “Ryan,” 38-anyos, single, driver ng softdrinks at residente ng naturang barangay.

Naganap ang operasyon dakong ala-1:29 ng hapon sa Purok 1, Barangay Turayong. Nasamsam mula sa suspek ang isang balot ng papel na naglalaman ng pinaniniwalaang marijuana na may halagang nasa isang libong piso.

Sa isinagawang body search, nadiskubre pa ang dalawa pang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana na nakabalot din sa papel.

--Ads--

Samantala, nagtamo ng galos ang isa sa mga operatiba na nagpanggap na buyer matapos makatunog ang suspek na pulis ang kanyang katransaksyon, dahilan upang tumakbo ito patungo sa bukirin.

Umabot sa humigit-kumulang kalahating kilometro ang habulan bago tuluyang madakip ang suspek.

Ayon pa sa imbestigasyon, inamin ng suspek na natakot lamang siya kaya tumakbo at iginiit na ito ang unang pagkakataon na nasangkot siya sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.