CAUAYAN CITY- May ilan nang tinitignan anggulo ang pulisya sa naganap na pamamaril-patay kaninang madaling araw sa isang tsuper ng tricycle sa Brgy. Baligatan, Ilagan City.
Kinilala ang biktima na si Leymar Agor, 23 anyos at residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Supt. Ariel Quilang, hepe ng Ilagan City Police Station, galing sa isang inuman ang biktima at nagkaroon ng gulo sa lugar.
Isa ito ngayon sa kanilang iniimbestigahan kung posibleng sangkot ang biktima sa naganap na gulo sa pinanggalingan niyang bahay inuman.
Ayon pa kay Supt. Quilang, hindi rin nila inaalis ang ilang anggulo may kaugnayan sa kanyang trabaho o personal sa tinitignan motibo ng pulisya.
Nagtamo ng isang tama ng bala ng Cal. 45 baril sa kanyang dibdib ang biktima.
Agad isinugod sa pinakamalapit na pagamutan si Agor subalit ideneklarang dead on arrival ng sumuring doktor.




