Sumuko na sa awtoridad ang driver na sangkot sa viral na “gas-and-run” incident, ayon sa Quezon City Police District (QCPD) nitong Lunes ng gabi.
Ang 27-anyos na suspek ay dinala ng kanyang pamilya sa QCPD Station 1 bandang alas-8 ng gabi upang isuko ang sarili. Natukoy ng pulisya ang suspek at ang sasakyan gamit ang forward at backward CCTV tracking at pakikipag-ugnayan sa ibang ahensya.
Sa imbestigasyon, lumabas na tumigil ang suspek sa pagmamaneho at hindi na gumagamit ng social media matapos mag-viral ang insidente.
Ayon sa kanya, hindi niya alam na hinahanap na siya ng awtoridad at nanatili lamang siya sa kanilang bahay sa San Jose del Monte, Bulacan, kung saan nakaparada rin ang sasakyan.
Naganap ang insidente noong madaling araw ng Linggo nang magpakarga ng full tank ng diesel ang suspek sa isang gasolinahan sa EDSA ngunit umalis nang hindi binabayaran ang P5,196 na halaga ng gasolina.
Ayon kay Police Brig. Gen. Randy Silvio, natunton ng mga imbestigador ang puting sasakyan sa pamamagitan ng CCTV footage at backtracking operations. Inihayag ng QCPD na magsasampa sila ng kaukulang kaso ng estafa laban sa suspek sa Office of the Prosecutor.





