--Ads--

May paliwanag ang Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 2 kaugnay sa inamyendahang Republic Act No. 11861 (Expanded Solo Parents Welfare Act).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sectoral Coordinator Geselle Cipriano ng DSWD Region 2 sinabi niya na para makatanggap ng P1,000 kada buwan ang isang solo parent ay kailangang mayroon itong valid Solo Parent ID mula sa City Social Welfare and Development Office, kumikita ng minimum o below minimum wage, at hindi nakakatanggap ng iba pang cash assistance or subsidy mula sa pamahalaang nasyonal tulad ng 4Ps.

Sa mga nasa 5th class municipality ay nasa P500 kada buwan ang maaring matanggap ng isang solo parent batay sa nilalaman ng Expanded Solo Parents Welfare Act.

Kung hindi pa naman rehistrado ang isang solo parent o kailangang mag-renew ng solo parent ID, makipag-ugnayan lamang sa CSWDO.

--Ads--

Aniya ang nasabing ID ay may isang taong validity dahil maaring sa isang taon ay makahanap din ang isang solo parent ng makakatuwang nito sa buhay at maaring mabago na ang kanyang social status.

Sa pamamagitan ng Expanded Solo Parents Welfare Act, kwalipikado ang isang solo parent sa mga benefits katulad ng livelihood assistance, educational scholarships, housing priority, access sa medical services at monthly financial subsidy.

Krusyal ang mga ito sa mga solo parents para makaraos sa buhay at mabigyan ng suporta ang kanilang mga anak.

Nilinaw naman niya na nakadipende pa rin ito sa tunay na sitwasyon ng isang solo parent kung kaya pa naman nitong buhayin ang mga anak sa sarili nitong pagsisikap.