CAUAYAN CITY – Naghahanda na rin ang DSWD Region 2 sa magiging epekto ng bagyong Bising sa ikalawang rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Vanessa Diana Nolasco ng Disaster Response Management Division ng DSWD Region 2 sinabi niya na dahil nakataas ang signal no. 1 sa ilang bahagi ng lalawigan ng Isabela ay nakatutok sila ngayon sa close coordination ng provincial, city at municipal action teams ng ahensya sa mga LGUs pangunahin na ang MDRRMO at MSWDO.
Aniya ang mga ito ang nag uulat sa kanilang tanggapan sa kalagayan ng kanilang mga nasasakupan tulad ng mga apektado ng pagbaha o kung may posibleng preemptive evacuation dulot ng bagyo.
Sa kasalukuyan mayroong 17,002 na family foodpacks na nakahanda mula sa DSWD Region 2 sakaling humingi ng augmentation support ang mga LGUs na maaapektuhan ng bagyong Bising.
Maliban sa mga food items ay nakahanda rin ang mga non food items tulad ng mga tent, PPEs at hygiene kits.
Wala pa namang mga LGUs na nagrerequest ng augmentation support sa DSWD Region 2 maliban sa mga lugar na nilockdown dahil sa covid 19.
Ayon kay Information Officer Nolasco, activated na rin ang kanilang Virtual Emergency Operation Center kung saan sa pamamagitan ng ZOOM ay magkakaroon sila ng interagency coordination at information sharing sa ibat ibang ahensya ng pamahalaan bilang paghahanda sa bagyo.
Bente kwatro oras nang magduduty ang kanilang mga personnel kapag inactivate na ang kanilang Disaster Response Management Team.