
CAUAYAN CITY – Patuloy na tinututukan ng DTI Isabela ang implementasyon ng health protocols sa mga bahay kalakal sa lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Technical Assistant Mel Mari Angelo Laciste ng Consumer Protection Division ng DTI Isabela sinabi niya na patuloy ang sertipikasyon para sa safety seal program ng pamahalaan.
Ang layunin aniya ng safety seal ay mahikayat ang mga kustomer, kliyente at konsyumer na magtungo sa mga establisimiento nang hindi natatakot na mahawaan ng Covid 19 dahil nasusunod ang mga health protocols.
Maaaring mag apply ang may ari ng establisimiento sa pamamagitan ng online o personal na magtungo sa tanggapan ng DTI.
Hinikayat naman ng DTI ang lahat na sa online na lamang mag apply upang hindi na maabala pa at makaiwas din sa virus lalo pa at kulang din ng personnel ang tanggapan.
Sa online registration ay mayroon nang pre assessment ang DTI sa mag aapply at maaaring kapag nagtungo ang inspection team sa establisimiento ay ma-a-award na ang safety seal.
Ang kailangang dokumento para makakuha ng safety seal ay ang mayors permit o business permit, registered sa Staysafe.Ph at DTI Business name Certificate.
Noong nakaraang linggo ay nakapag award na sila ng labinlimamula sa mahigit apatnapung nag apply sa lalawigan ng Isabela.
Target din ng tanggapan na makapag-award ng safety seal certificate sa labindalawang firms sa lalawigan.
Wala naman aniyang kaso kung nabigyan na ng LGU ang isang establisimiento ng safety seal at nag-apply din muli ang may ari sa DTI.
Mabibigyan pa rin sila ng safety seal dahil magkaiba ng standards ang DTI at LGU mging ang iba pang ahensya.
Nilinaw naman ng DTI na ang pagkuha ng safety seal ay hindi mandatory kundi boluntaryo lamang na sertipikasyon ngunit nirerequire ang mga establisiiento na sundin ang mg ipinapatupad na minimum health protocols.










