--Ads--

Nanatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa kabila ng tumataas na presyo ng langis dulot ng krisis sa Middle East, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) nitong Sabado.

Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, wala pang naitalang pagtaas sa presyo ng basic necessities at prime commodities (BNPCs), na sumasaklaw sa humigit-kumulang 205 stock keeping units (SKUs) na mabibili sa supermarkets, groceries, at online platforms. Mananatili ang presyo ng mga produktong ito hanggang Abril 16, habang ang ilang items ay inaasahang hindi tataas hanggang katapusan ng Abril.

Tiniyak ng mga manufacturers at retailers sa DTI na may sapat na supply at inventory upang maiwasan ang agarang pagtaas ng presyo. Kabilang sa minomonitor na produkto ang canned sardines, corned beef, cup noodles, bottled water, coffee, milk, ilang dairy products, at kandila.

Nilinaw ni Roque na hindi lahat ng produkto ay sakop ng listahan, kaya posibleng magbago ang presyo ng ilang brands o varieties. Pinayuhan ang mga mamimili na tingnan ang listahan ng BNPC sa mga groceries, supermarkets, pati na rin sa official website at social media pages ng DTI.

--Ads--

Ayon sa DTI, magpapatuloy ang lingguhang monitoring ng presyo at anumang desisyon sa price adjustments pagkatapos ng Abril 16 ay ibabase sa patuloy na pagsusuri sa sitwasyon ng global oil prices at epekto ng Middle East crisis.