May paglilinaw ang Dupax Del Norte Police Station hinggil sa nangyaring tensiyon sa pagitan ng mga kapulisan at Anti-mining group sa Barangay Bitnong, Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya habang ipinatutupad ang writ of preliminary injunction sa mga pumipigil sa pagsasagawa ng mining exploration activities sa lugar.
Ito ay matapos ihayag ng naturang grupo na bias ang mga kapulisan dahil hindi umano nila hinuli ang isang lalaki na nag-chainsaw sa lugar na walang permit habang sila na nagnanais lamang protektahan ang kalikasan ay inaresto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rudil Bassit, Hepe ng Dupax Del Norte Police Station, sinabi niya na kasunod ng pag-aresto sa ilang miyembro ng anti-mining group ay inaresto rin nila ang lalaking nagputol ng kahoy at sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9175 o Chain Saw Act of 2002 at sa ngayon ay nakapag-piyansa na ito.
Pinabulaanan din niya ang pahayag ng ilang naarestong kababaihan na ang buong akala umano nila na dadalhin lamang sila ng mga kapulisan sa Hospital upang malapatan ng lunas ang mga tinamong sugat ng mga ito subalit pagkatapos nito ay dineretso na sila sa presinto.
Ang pagpapasuri sa kalagayan ng mga naaresto ay bahagi ng proseso sa panghuhuli bago I-proseso ang mga kinakailangang dokumento.
Mayroon umano silang video na magpapatunay na naaresto ang mga ito sa mismong area at nabasahan ng Miranda Rights.
Giit ni PMaj. Bassit, sumusunod lamang sila sa kautusan ng korte bilang bahagi ng kanilang mandato.
Handa naman silang humarap kung sakaling ituloy ng Anti-mining group ang pagsasampa ng kaso laban sa kanila.











