--Ads--

Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court o ICC Trial Chamber III na payagan ang mga partido na kuwestiyunin ang mga medical expert hinggil sa kanilang findings sa kakayahan ng dating Pangulo na humarap sa paglilitis.

Sa filing ng kaniyang abogado na si Peter Haynes noong Setyembre 14, sinabi ng depensa na may malubhang problema umano sa memorya si Duterte na maaaring makaapekto sa kaniyang kakayahang maunawaan ang mga kaso laban sa kaniya at makapagbigay ng tamang instructions sa kaniyang mga abogado.

Ayon sa depensa, nakita sa pagsusuri ng tatlong court-appointed medical experts ang magkakatulad na resulta na nagpapakita ng seryosong cognitive deficits, na ang ilan ay nasa moderate hanggang severe level.

Gayunman, sinabi ng mga eksperto na maaaring hindi ganap na mapagkakatiwalaan ang resulta dahil posibleng hindi lubusang nakipagtulungan o nagbigay ng buong effort si Duterte sa assessment. Iginiit naman ng depensa na hindi pa natitiyak kung ang mga resulta ay dahil sa kawalan ng motibasyon o may underlying neurological condition.

--Ads--

Dahil dito, hiniling ng kampo ni Duterte na magsagawa pa ng karagdagang medical examinations upang makakuha ng mas malinaw na medical findings bago magpasya ang Trial Chamber sa kaniyang fitness to stand trial.

Samantala, sinabi ng ICC prosecution na hindi na kinakailangan ang panibagong pagsusuri sa fitness ni Duterte sa ngayon. Nakatakda namang magsagawa ng status conference ang Trial Chamber III sa Setyembre 16.

Ang paglilitis kay Duterte kaugnay ng crimes against humanity na iniuugnay sa kaniyang war on drugs ay nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30.