--Ads--

Tumutol ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kahilingan ng prosekusyon na tanggapin ng International Criminal Court (ICC) ang mga naunang naitalang testimonya ng dalawang saksi sa kasong crimes against humanity laban sa kaniya, nang hindi na sila kailangang humarap at tumestigo sa paglilitis.

Sa dokumentong may petsang Oktubre 26, hiniling ng depensa sa ICC Trial Chamber III na ibasura ang aplikasyon ng prosekusyon para gamitin ang mga naitalang pahayag ng mga saksi na kinilala bilang P-1393 at P-1416.

Ayon sa depensa, mahalagang direktang marinig ang testimonya ng dalawang saksi upang magkaroon sila ng pagkakataong sumailalim sa cross-examination o pagtatanong ng kabilang panig, lalo na dahil may mga sinasabing hindi pagkakatugma sa kanilang mga pahayag.

Iginiit din ng kampo ni Duterte na hindi dapat isakripisyo ang kaniyang karapatang ipagtanggol ang sarili sa ngalan ng pagpapabilis ng paglilitis.

--Ads--

Gayunman, hindi naman tumutol ang depensa sa paggamit ng naitalang testimonya ng isa pang saksi na kinilala bilang P-1370.

Nauna nang hiniling ng prosekusyon sa ICC na tanggapin ang mga naunang testimonya ng tatlong saksi sa halip na obligahin silang tumestigo nang personal sa korte.

Nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y extrajudicial killing sa ilalim ng kaniyang kampanya kontra droga noong siya ay pangulo ng bansa at alkalde ng Davao City.

Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa kaso sa Nobyembre 30.