Posibleng personal na dumalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa nalalapit na pagdinig ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kanyang confirmation of charges, na nakatakda sa Pebrero 23.
Ayon kay ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti, isinagawa ng Pre-Trial Chamber I (PTC) ang mga hakbang bilang konsiderasyon sa kalusugan ni Duterte.
Aniya, malaking konsiderasyon na ang ibinigay kay Duterte dahil sa kanyang medikal na kondisyon.
Dagdag pa niya, kung pipiliin ni Duterte na hindi dumalo, iyon na ang kanyang desisyon. Sa pagkakaalam niya, hindi pa ito ngayon humiling na dumalo sa pamamagitan ng video conference, kaya posibleng personal siyang dumalo sa susunod na pagdinig.
Ipinaliwanag rin ng abogada na tatakbo lamang ng tatlong oras kada araw ang pagdinig, na nakatakda mula Pebrero 23 hanggang Pebrero 24 at Pebrero 26 hanggang Pebrero 27.
Matatandaang orihinal na itinakda ang pagdinig noong Setyembre 23, 2025, kung saan nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs campaign sa ilalim ng kanyang administrasyon.











