--Ads--

Iginiit ng isang constitutional law expert na dapat pabilisin ang proseso ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte at huwag nang masyadong magpokus sa mga technicalities upang hindi na ito humaba.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, Constitutional Law Expert, sinabi nitong normal lamang na ipaglaban ng prosecution at depensa ang interes ng kani-kanilang panig. Gayunman, mas makabubuti aniya kung magiging mas episyente ang pagtalakay sa mga ebidensya, lalo na kung pareho namang kinikilala ng magkabilang panig ang ilang video at dokumentong inihaharap.

Ayon kay Atty. Cayosa, kung magtatagal ang impeachment trial dahil sa mga usaping teknikal, maaapektuhan hindi lamang ang paglilitis kundi maging ang iba pang mahahalagang tungkulin ng Senado tulad ng pagtalakay sa mga panukalang batas, pagsasagawa ng mga imbestigasyon, at paghahanda ng pambansang budget. Aniya, hindi dapat matulad ang impeachment proceedings sa ilang kasong umaabot ng maraming taon bago maresolba.

Kaugnay naman ng posibilidad na makialam ang Supreme Court, sinabi ni Atty. Cayosa na dapat maging maingat ang mataas na hukuman dahil ang kapangyarihan sa impeachment trial ay malinaw na nasa Senado.

--Ads--

Ipinaliwanag niyang bagama’t may mga pagkakataong maaaring humingi ng interpretasyon sa Korte Suprema, dapat iwasan ang anumang hakbang na maaaring ituring na judicial overreach o labis na pakikialam sa mandato ng impeachment court.

Umaasa naman si Atty. Cayosa na magiging mas maayos at mabilis ang takbo ng impeachment trial upang agad na magkaroon ng malinaw na desisyon at mapanagot ang nasasakdal kung mapatutunayang may pananagutan sa mga isinampang reklamo.