Kabilang sa draft report ng Senate Blue Ribbon Committee ang pangalan ni Education Secretary Sonny Angara na umano’y tumanggap ng 12% kickback mula sa mga proyekto ng gobyerno noong siya pa ang chairman ng Senate Committee on Finance.
Batay sa affidavit ni dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo, ilang beses na siyang tumestigo sa imbestigasyon ng komite hinggil sa flood control scandal. Ayon sa report, ang kickback ay idinagdag ni Bernardo sa dating Senate staff at kay DepEd Undersecretary Trygve Olaivar. Kilala ni Bernardo si Olaivar mula pa noong 2010 nang magtrabaho ito sa tanggapan nina dating Senador Ramon Revilla Jr., Edgardo Angara, at Sonny Angara.
Nakasaad sa report na kailangan pang muling imbestigahan ang umano’y kickback na natanggap ni Sec. Sonny Angara sa pamamagitan ni Olaivar.
Nanindigan si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson sa nilalaman ng draft report, na naglalaman din ng mga pangalan ng iba pang opisyal na maaaring kasuhan sa Ombudsman, kabilang sina Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, Francis Escudero, Bong Revilla, Zaldy Co, at Mitch Cajayon-Uy. Kasama rin sa rekomendasyon sina Olaivar, negosyanteng Maynard Ngu, Carleen Villa-Yap, J.Y. de la Rosa, Loren Cruz, John Paul Estrada, Mark Ticsay, isang indibidwal na tinukoy bilang Mrs. Patron, at isang may alyas na Peng.
Ang mga posibleng kaso ay plunder, bribery, misuse of public funds, at paglabag sa anti-graft at ethics laws. Nilinaw ni Lacson na magiging opisyal lamang ang report kung pipirmahan ito ng 11 miyembro ng komite.











