
CAUAYAN CITY – Malaki ang epekto sa ekonomiya ng bansang Panama ang paglimita sa paglabas ng mga tao at pagtigil sa trabaho dahil sa Coronavirus Disease o COVID 19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa OFW sa Panama City at tubong San Jose, Batangas na si Mrs. Mhafe Ramos-Gasik sinabi niya na natigil ang mga trabaho at isinara ang mga establisimiento dahil sa mataas na kaso ng COVID 19 sa naturang bansa na umabot na sa 4000.
Halos araw-araw aniya ay aabot sa 500 tao ang nahuhuli ng mga otoridad na pasaway sa ipinaiiral na quarantine.
Unang itinigil ang pasok sa mga paaralan noong March 14, 2020 bago nilimitahan ang paglabas ng mga tao.
Mabagal aniya ang tulong na ibinibigay ng pamahalaang Panama sa mga mamamayan nito.
Ang mga bukas lang sa Panama ay ang mga supermarket at parmasya.
Ang mga babae ay puwede lang lumabas kapag araw ng Lunes hanggang Miyerkoles at depende sa last digit ng pasaporte ng mga dayuhan.
Ang mga lalake naman ay puwedeng lumabas mula Huwebes hanggang Biyernes habang walang puwedeng lumabas tuwing Sabado at Linggo.










