--Ads--

Patuloy na nagpapakita ng kahinaan ang ekonomiya ng Pilipinas matapos umabot sa 63.2% ang utang ng bansa, ang pinakamataas sa loob ng mahigit dalawang dekada, kasabay ng pagdami ng mahihirap at nagugutom na pamilyang Pilipino.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Executive Director Jose Enrique “Sonny” Africa ng IBON Foundation, sinabi niyang malinaw na ipinapakita ng datos na hindi nalulutas ng pamahalaan ang kakulangan sa kita ng bansa. Malaking bahagi aniya ng pondong inuutang ang nawawala sa korapsyon at hindi napupunta sa mga serbisyong kailangan ng mamamayan.

Ayon kay Africa, humihina ang kakayahang kumita ng ekonomiya dahil sa pagbabawas ng buwis sa malalaking kumpanya at mayayaman, habang dinaragdagan naman ang pasanin ng mahihirap at middle class. Dahil dito, tuloy-tuloy ang paglobo ng utang ng bansa.

Binanggit din niya na sa P8.5 trilyong inutang ng administrasyong Marcos noong nakaraang taon, P6.5 trilyon ang napunta lamang sa pambabayad-utang, sa halip na ilaan sa mga programang nagpapalakas sana ng agrikultura at lokal na industriya na ilang dekada nang humihina.

--Ads--

Dagdag pa niya, kasabay ng paglobo ng utang ay ang pagdami ng mahihirap at nagugutom, habang patuloy namang nadaragdagan ang yaman ng iilan. Babala niya, dahil sa bigat ng pagbabayad-utang, posibleng lumiit ang kakayahan ng gobyerno na pondohan ang mga serbisyong panlipunan sa mga susunod na taon.

Binigyang-diin ni Africa na mananatiling problema ang utang hangga’t hindi ginagamit ang inuutang sa malinaw at produktibong pagpapalakas ng ekonomiya, lalo na sa agrikultura at industriya. Aniya, kailangang itigil ng gobyerno ang labis na pagprotekta sa interes ng mayayaman at unahin ang kapakanan ng nakararami.

Matatandaang ayon sa Bureau of the Treasury, umabot sa P17.71 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas hanggang Disyembre 2025, mas mataas ng P1.66 trilyon o 10.32% kumpara noong nakaraang taon.