CAUAYAN CITY- Pormal nang nanumpa sa tungkulin si Governor Rodolfo Albano III bilang Gobernador ng Lalawigan ng Isabela sa isang seremonya na ginanap sa The Capital Arena sa Lungsod ng Ilagan nitong Lunes, Hunyo 30, 2025.
Sa kaniyang inaugural speech, nagbigay-pugay si Governor Albano sa kaniyang mga magulang na itinuturing niyang inspirasyon at gabay sa kanyang paglilingkod sa publiko. Aniya, “bagama’t pansamantala ang lahat, kabilang ang kapangyarihan, ang legasiya ay mananatili.” Nagpasalamat din siya sa Panginoon sa pagkakataong makapaglingkod sa kanyang mga kababayan sa loob ng tatlong termino.
Ipinunto ni Gov. Albano na ang pagiging unopposed sa nakalipas na halalan ay patunay ng tiwala at suporta ng taumbayan sa kaniyang pamumuno. Binigyang-pugay rin niya ang mga opisyal at kawani ng Kapitolyo na aniya’y nagsilbing backbone ng pagbabago at pag-unlad sa Isabela.
Hinikayat pa ni Governor ang bawat Isa na patuloy na makiisa sa pagtutulungan tungo sa mas progresibong lalawigan, sabay bigyang-diin na ang kakayahang mamuno ay nasa sinumang may tapang na makinig, magsalita, at kumilos.
Samantala, pormal na ring nanumpa sa tungkulin si Newly Elected Vice Governor Francis Faustino “Kiko” Dy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inamin ni vice Governor Dy na isa itong malaking hamon para sa kaniya, lalo’t mula sa pagiging punong bayan ng Echague, ay ngayo’y manunungkulan sa buong lalawigan.
Ayon sa kanya, sanay na siya sa mga pagsubok bilang dating local chief executive, ngunit mas mataas aniya ang responsibilidad ngayon na bahagi na siya ng lehislatibong sangay. Biro pa niya, kabilang sa mga hamon noon pa man ay ang “away mag-asawa,” na kanyang kinaharap habang siya ay barangay captain at alkalde.
Ibinahagi rin ni Vice Gov. Dy na ginamit niya ang karanasan at mga aral mula sa kaniyang ama na si dating Vice Governor at ngayo’y Congressman Faustino “Bojie” Dy III bilang gabay sa bagong yugto ng kanyang paglilingkod.
Tiwala siya na sa kabila ng mga inaasahang pagsubok, handa siyang panindigan ang kanyang tungkulin at makakaasa ang publiko na siya at si Governor Albano ay magtutulungan upang tugunan ang mga isyung kinakaharap ng mga Isabeleños.
Samanatala, bukod kina Governor Albano at Vice Governor Dy, nanumpa rin sa naturang seremonya ang iba pang mga halal na opisyal ng lalawigan, kabilang ang mga kongresista, alkalde, bise alkalde, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, at mga konsehal.
Ipinamalas ng mga bagong opisyal ang kanilang suporta sa isa’t isa at ang kanilang hangaring maipagpatuloy ang tapat at makataong pamamahala sa Isabela.











