CAUAYAN CITY – Tinanghal na Most Valuable Player (MVP) for Girls Division ang pambato ng Dasmariñas City Athletics Team sa katatapos na 2018 Phil. Athletics Championship.
Tinanghal na MVP for Girls Division si Eliza Cuyom, 22 anyos, na nakakuha ng apat na gintong medalya sa bawat event na kanyang sinalihan. Ito ay sa 200 meter run, 100 meter run, 4×400 meter at 4×100 meter mixed relay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Cuyom na labis ang kanyang kasiyahan dahil hindi niya inaasahan na siya’y tanghaling MVP for Girls Division sa kauna-unahang pagkakataon .
Binigyan diin ni Eliza Cuyom na ang susi ng kanyang tagumpay ay ang palagi niyang pagsunod sa payo ng kanyang coach at paghandaan ang lalahukang paligsahan sa pamamagitan ng ibayong pagsasanay.
Sa pagtatapos ng 2018 Phil. Athletic Championship, binigyan ng parangal ang mga manlalaro na nakakamit ng gintong medalya, pilak at bronze gayundin ang mga grupo at indibidual na nakakuha ng maraming bilang ng gintong medalya at mga atletang nagpamalas ng kagalingan sa larangan ng track and field.
Ang 2018 Phil. Athletic Championship ay isinagawa sa City of Ilagan Sports Complex, lunsod ng Ilagan noong May 30 at nagtapos kahapon June 5, 2018 na dinaluhan ng mga manlalaro mula sa ibat-ibang koponan at indibidual sa bansa maging ng mga dayuhang atleta.




