
CAUAYAN CITY – Kinansela ng Isabela State University (ISU) ang entrance examination alinsunod sa advisory ng Commission on Higher Education (CHED).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ricmar Aquino, pangulo ng ISU system, sinabi niya na nagpalabas ng bagong advisory ang CHED at hinihikayat ang lahat ng mga higher education kasama na ang mga State Universities and Colleges (SUCs) na suspindihin muna ang pagsasagawa ng entrance exam.
Dahil dito, nag-usap silang mga opisyal ng ISU at napagkasunduan nila na kanselahin na lamang ang nasabing exam at gamitin ang General Waited Average ng mga estudyante.
Tiniyak naman ni Dr. Aquino na walang maabuso dahil isasailalim nila sa ranking ang mga estudyante.
Sinabi pa niya na batay din sa CHED, huwag munang gamitin ang track na kinuha ng mga estudyante sa senior high school kaya malaya silang kumuha ng kurso na gusto nilang kunin.
Inaasahan nilang tataas ang kanilang mga enrollees subalit tiniyak niya na tatanggapin nila kung ilan lamang ang kapasidad ng kanilang mga campus sa iba’t ibang bayan at lunsod sa Isabela.




