Isasara ng Estonia ang border nito sa Russia simula Disyembre 1 matapos iugnay ng mga awtoridad ng Estonia sa Moscow ang hinihinalang tangkang pagsunog sa isang defense technology company.
Ayon kay Prime Minister Kristen Michal, walong indibidwal ang dinakip matapos umanong tangkaing sunugin ang naturang kompanya nitong Sabado ng gabi. Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.
Sinabi ng security services ng Estonia na isinagawa umano ang tangkang pagsabotahe sa utos ng Russian military intelligence service o GRU.
Ayon kay Michal, layunin ng pagsasara ng hangganan na maprotektahan ang seguridad ng kanilang mamamayan at maiwasan ang mga banta mula sa Russia. Hindi pa naman tinukoy kung kailan muling bubuksan ang mga tawiran.
Samantala, tinawag ng tagapagsalita ng Russian Foreign Ministry na si Maria Zakharova na bahagi ng umano’y lumalaganap na diskriminasyon laban sa Russia ang naturang hakbang.
Pinuri naman ng Ukraine ang desisyon ng Estonia at hinimok ang iba pang bansa sa Europa na magkaroon din ng kaukulang hakbang laban sa mga hinihinalang operasyon ng Russia.











