--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinaniniwalang problema sa pag-ibig ang dahilan ng pagpapakamatay ng isang estudiyante sa kolehiyo sa Quezon, Cordon, Isabela.

Sa nakuhang  impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan  sa Cordon Police Station, ang nagpakamatay ay itinago sa pangalang Jay, 21 anyos, college student at residente ng nabanggit na barangay.

Batay sa pagsisiyasat ni PSSg. Renato Calibuso, Jr., ng Cordon Police Station, nalaman nila sa kapamilya ng binata na naiwan siyang mag-isa sa kanilang bahay.

Ayon sa salaysay ng ina ng binata, umalis siya dakong   9:30 ng umaga dahil mayroon siyang mahalagang lakad.

--Ads--

Nang dumating dakong 12:30 ng tanghali  ang nakakatandang  anak ay napansin ang mga nakasulat sa pader kaya agad na hinanap ang kapatid at laging gulat nang  makitang nakatali sa kisame ng kanyang silid.

Tumugon  sa lugar ang rescue team ng pamahalaang lokal ng Cordon at idineklarang patay na ang binata.

Nakita ang mga isinulat ni Jay  sa pader ng kaniyang silid at nabanggit ang pangalan ng kaniyang kasintahan.

Sinabi naman ng kanyang kasintahan na una nang nagbanta si Jay na magpapakamatay nang tangkain niyang makipaghiwalay sa kanya na sinundan ng pagpapadala ng video ng pagsasagawa nito.

Sinabi ng dalaga na walang problema sa relasyon nila  sa kasalukuyan ngunit  dahil sa isinulat ng binata sa pader ay may hinala ang mga otoridad na  pag-ibig ang naging dahilan ng kanyang pagpapakamatay .

Sa kabila nito ay nagpasya ang pamilya ng binata na huwag nang isailalim  sa awtopsiya ang  kanyang bangkay dahil naniniwala sila na walang naganap na foul play sa kanyang pagkamatay.