--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang  isang dalagitang estudiyante  habang  nasugatan ang kanyang kasamang pinsan matapos maaksidente ang kanilang sinakyang motorsiklo sa Barangay Villa Imelda, City of Ilagan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang nasawi ay si Angelica Agdigos, 14 anyos habang nasugatan ang pinsan na si Ell Joy Agdigos, 13 anyos, kapwa residente ng Cabiseria 14-16, City of Ilagan.

Sa imbestigasyon ng City of Ilagan Police Station, lumabas na binabagtas  ng motorsiklo ang kalsada patungong barangay Bintacan nang mawalan ng kontrol sa manibela ang nagmanehong dalagita at nahulog sa medyo malalim na drainage canal.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa ama ni Angelica, sinabi niya na nagpunta ang kanyang anak kasama ang kanyang pinsan sa Rang-ayan National High School upang kunin ang kanilang module.

--Ads--

Aniya, matapos ang isang oras ay nakatanggap siya ng tawag mula sa isang concerned citizen upang ipabatid na nasangkot sa aksidente ang kanyang anak.

Naisugod sa ospital ang dalagita ngunit idineklara ng kanyang attending physician na dead on arrival.

Inoobserbahan naman  sa isang pribadong ospital ang nasugatan na pinsan na si Ella Joy.