CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang estudyante matapos na magsariling maaksidente sakay ng kaniyang motorsiklo na sumalpok sa isang pader malapit sa pambansang lansangan na nasasakupan ng Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela.
Kinilala ang biktima na si Marlon Valenzuela Jr., 20-anyos at pansalamantalang naninirahan sa lungsod ng cauayan.
Loss of control naman ang tinitignang sanhi ng insidente dahil nagpositibo ang estudyante sa nakalalasing na inumin.
Nagawa pang maisugod ang biktima sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jomar Larra, naka-saksi sa pangyayari sinabi niya na nagulat na lamang siya nang makarinig siya ng malakas na kalabog.
Nang kaniyang tignan ay nakita nito ang wala ng malay na lalaki na nasa tatlong dipa ang layo mula sa kaniyang motorsiklo.
Aniya, hindi siya agad nakatawag ng rescue dahil walang load ang kaniyang cellphone at pumara lamang ito ng tricycle papuntang PNP para ipaalam ang insidente.
Kaugnay nito, walang nakikitang foul play ang Cauayan City Police Station sa nangyaring aksidente na ikinasawi ng estudyante.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, mabilis ang patakbo ng biktima habang binabaybay niya ang hilagang direksyon pauwi sa isang subdibisyon sa Brgy. Tagaran, Cauayan City.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay nabangga umano nito ang gutter ng kalsada at dumiretso sa barikada ng isang establisyimento.
Nagtamo ng malubhang sugat ang biktima at agad itong dinala sa isang pagamutan ng ruspendong mga kasapi ng Rescue 922 ngunit binawian din ng buhay.
Kumbinsido naman umano ang pamilya ng biktima na walang foul play sa nangyaring aksidente .