--Ads--

Pinayagan ng Manila Regional Trial Court Branch 30 na makapagpiyansa ang dating kongresista na si Arnolfo Teves Jr. kaugnay ng kasong murder na kinansangkutan nito noong 2019.

Gayunman, nilinaw ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio na hindi pa rin siya makakalaya dahil may kinahaharap pa itong isa pang nakabinbing kaso.

Sa inilabas na 27-pahinang resolusyon, itinakda ng korte ang piyansa ni Teves sa halagang P500,000. Samantala, pinayagan ding magpiyansa ang kanyang mga kapwa akusado na sina Richard Cuadra at Rolando Pinili na may halagang P250,000 bawat isa.

Ayon sa kaso, noong Hunyo 2019, di umano’y pinaslang ni Teves at ng kanyang mga kasamahan si Pacito Libron, na sinasabing hitman ng kanyang kalaban sa pulitika.

--Ads--

Iginiit ng prosekusyon na may sabwatan o conspiracy sa krimen, ngunit ayon sa korte, nabigo itong patunayan na matibay ang ebidensya ng sabwatan laban sa lahat ng akusado sa pagpatay kay Libron.

Sa kasalukuyan, nakakulong si Teves sa New Bilibid Prison habang nililitis ang iba pa niyang kinakaharap na kaso.