Nanatili magdamag sa ospital si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan matapos sumuko sa mga awtoridad kahapon, Hunyo 1, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na inaasahang maglalabas ng opisyal na diagnosis ang doktor ni Bonoan bandang tanghali ngayong araw.
Dinala si Bonoan sa PNP General Hospital sa Camp Crame, Quezon City matapos ang kanyang boluntaryong pagsuko sa mga awtoridad.
Batay sa ulat ng PNP Health Service, bumuti na ang kalagayan ni Bonoan matapos makaranas ng mataas na presyon ng dugo o hypertension.
Ayon kay Police Brigadier General Portia Manalad, direktor ng PNP Health Service, naging maayos ang kondisyon ni Bonoan matapos siyang mabigyan ng kinakailangang gamot at sapat na pahinga.
Dagdag pa ni Manalad, nakadepende sa pahintulot ng kanyang attending physician at sa kahilingan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kung siya ay maaari nang ma-discharge mula sa ospital.
Kusang-loob na nagtungo si Bonoan sa tanggapan ng CIDG matapos maglabas ng warrant of arrest ang Fifth Division ng Sandiganbayan laban sa kanya.











