Inilipat na sa Sandiganbayan si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan mula sa PNP General Hospital (PNPGH) nitong Martes, Hunyo 2, matapos bigyan ng medical clearance.
Ayon kay PNPGH Chief Col. Cleto Manongas, nasa mabuti at stable na kondisyon na ang dating kalihim kaya maaari na itong i-transfer.
Unang dinala si Bonoan sa ospital noong Lunes dahil sa pananakit ng ulo at mataas na blood pressure na umabot sa 170/100, kasunod ng kanyang boluntaryong pagsuko sa Camp Crame. Bumaba na ito sa 120/70 matapos ang gamutan.
Base sa mga kuhang videos, nakawheelchair nang lumabas ng ospital ang dating kalihim.
Sumuko si Bonoan sa CIDG matapos magpalabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan laban sa kanya para sa kasong plunder.
Kabilang sa mga kapwa akusado sa kaso sina Senador Jinggoy Estrada, Denryl Cortuna, Manny Bulusan, at Arturo Gonzales Jr., na kasalukuyan nang nakapiit sa New Quezon City Jail.





