--Ads--

Nangako ang dating Public Works Undersecretary at state witness na si Roberto Bernardo na magbabalik ng P1 bilyon sa gobyerno bilang restitution para sa kanyang pagpasok sa Witness Protection Program.

Sa naganap na pagdinig ng Sandiganbayan Third Division para sa kasong malversation ni dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., ibinunyag ni Bernardo na nagkaroon ang senador ng P1.5 bilyong alokasyon sa mga proyekto ng DPWH noong 2025 at tumanggap din umano ito ng P500 milyong halaga ng commitments.

Dahil dito, kinuwestiyon ni Associate Justice Ronald Moreno ang kredibilidad ni Bernardo at inalam ang status ng kanyang restitution, kung saan inamin ng saksi na kalahati pa lamang o P500 milyon ang kanyang naisasauli.

Nagpahayag din ng matinding duda ang hukom matapos sabihin ng isang engineer na walang kinikitang komisyon si Bernardo sa mga proyekto sa Bulacan, kaya tinanong ni Moreno kung saan pa ito kumukuha ng pera.

--Ads--

Direkta namang sumagot si Bernardo na may iba pa siyang mga transaksyong kinasangkutan bukod sa mga proyektong kasalukuyang pinag-uusapan sa korte.