--Ads--

Umabot sa USD7.1 bilyon ang kinita ng export sector ng Pilipinas noong Enero 2026, patunay na paglago ng kalakalan ng bansa sa pandaigdigang merkado, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mas mataas ito ng 7.9% kumpara sa USD6.6 bilyon na naitala sa parehong buwan noong nakaraang taon.

Ito na rin umano ang ika-13 magkakasunod na buwan ng paglawak ng sektor ng export sa bansa, na nagbunga naman umano ng mas maraming lokal na trabaho at mas mataas na kita para sa mga Pilipino.

Ayon kay DTI Secretary Cristina Roque, patuloy na nakikinabang ang mga negosyong Pilipino sa mas malawak na akses sa merkado dahil sa mga Free Trade Agreements (FTA) at iba pang mga trade arrangement na isinulong ng pamahalaan.

--Ads--

Nanguna sa mga produktong iniluwas ang electronic products na kumita ng mahigit USD4 bilyon o 56.5% ng kabuuang eksport.

Malaki rin ang ambag ng ginto na may USD488.8 milyon at machinery at transport equipment na may $383.2 milyon.

Pinakamalaking merkado ng Pilipinas ang Estados Unidos na may 16.4% ng kabuuang shipment o USD1.2 bilyon na halaga ng mga produktong iniluwas, na sinundan ng Hong Kong, Japan, China at South Korea.

Ayon sa DTI, inaasahang magpapatuloy ang paglago ng export sa mga susunod na buwan, na magbibigay ng mas malaking ambag sa kita ng bansa at sa paglikha ng trabaho para sa mga Pilipino.