Nagbabala ang Federal Bureau of Investigation (FBI) sa mga awtoridad sa California na handa umano ang Iran na gumanti sa nagpapatuloy na pag-atake ng United States sa kanilang bansa.
Ayon sa ulat ng FBI nitong Huwebes (oras sa Pilipinas), maaaring gumamit ang Iran ng mga drone na ilulunsad mula sa American West Coast.
Batay sa FBI alert, nakuha nila ang impormasyon na simula pa noong unang bahagi ng Pebrero 2026, umano’y may balak ang Iran na magsagawa ng sorpresa na pag-atake gamit ang unmanned aerial vehicles mula sa hindi tukoy na barko malapit sa baybayin ng United States, partikular sa California, sakaling magsagawa ang US ng pag-atake laban sa Iran.
Idinagdag ng FBI na wala silang karagdagang impormasyon tungkol sa eksaktong oras, pamamaraan, target, o kung sino ang mga posibleng gumaganap sa naturang banta.
Lumabas ang babala kasabay ng magkasanib na pag-atake ng United States at Israel laban sa Iran.










