Ipinagdiwang ng Filipino Community sa Paris France ang kapistahan ni Sto. Niño o ang Sinulog Festival.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Dick Villanueva na napuno ang simbahang katolika dahil sa maraming Pilipino ang nakiisa rito.
Isang Linggo kasi bago ipagdiwang ang Sinulog Festival ay inanunsiyo na sa social media ang isasagawang pagtitipon sa pangunguna ng Philippine Catholic Mission in France.
Ikinatuwa naman ito ni Rev. Father Jovic Lobrigo, Rector ng Philippine Catholic Mission sa Paris, dahil nadala ng mga Pilipino ang kulturang Pinoy sa France at sa pamamagitan nito ay makikita ang pagkakaisa ng bawat isa.
Sa kabila aniya ng hamon na kinakaharap ng mga Overseas Filipino Workers ay hindi pa rin nakalimutan ng mga ito ang si Sto Niño na siyang nagbibigay ng lakas sa mga OFW para magpursige sa buhay at mapalakas ang kanilang pananampalataya.
Samantala, isasabay naman sa pagdiriwang ng Sinulog Festival ang pagdiriwang ng Dinagyang Festival kung saan magkakaroon ng fluvial parade tampok ang imahe ni Sto Niño.
Taun-taon ay ginagawa umano nila ang naturang parada kung saan iikot ito sa mga landmark ng Paris kung saan isasayaw naman ng mga dumalo ang imahe ni Sto Niño kapag pinatugtog ang Musika ng sinulog.
Inaasahan naman na hindi lamang mga Pilipino makikiisa sa naturang parada kundi maging na rin ang ilang mga banyaga.