--Ads--

Mahigpit na susuriin ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan ang mga fire extinguisher at electrical wirings sa mga bentahan ng paputok sa lungsod bilang paghahanda sa nalalapit na holiday season.

Ito ay upang matiyak na ligtas ang mga tindahan at hindi magdudulot ng anumang panganib habang dumarami ang mamimiling naghahanda para sa pagsalubong sa kapaskuhan at bagong taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCINSP Francis David Barcellano, City Fire Marshal ng BFP Cauayan, bahagi ito ng kanilang annual safety inspection lalo na ngayong panahon ng pagdami ng firecracker stalls. Tiniyak niyang magiging masinsinan ang kanilang pag-iikot upang siguraduhin na sumusunod sa fire safety standards ang lahat ng vendors.

Dagdag pa niya, ang fire extinguisher ay hindi lamang dapat mayroon ang bawat tindahan, kundi kinakailangan ding nasa maayos itong kondisyon at hindi expired. Binigyang-diin din ni Barcellano na ang electrical wirings ay dapat maayos ang pagkakalatag, walang kupas o kupas-kupas na insulation, at hindi overloaded ang power source upang maiwasan ang short circuit na maaaring pagmulan ng sunog.

--Ads--

Bukod sa inspeksyon, pinaalalahanan din ng BFP ang mga vendor na sundin ang tamang distansya ng tindahan mula sa mga gusali, maging maingat sa pag-iimbak ng mga paputok, at tiyaking sumusunod sa lahat ng regulasyong itinakda ng lokal na pamahalaan at ng national fire code.

Tiniyak ng BFP Cauayan na magpapatuloy ang kanilang mahigpit na pagbabantay hanggang sa matapos ang holiday season upang masigurong ligtas, maayos, at walang insidenteng magaganap sa mga bentahan ng paputok sa lungsod.