Nilinaw ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na ang direktiba hinggil sa mas mahigpit na implementasyon ng mga flood control projects ay hindi naglalayong gipitin ang mga kontratista.
Matatandaang inatasan ng pambansang pamahalaan ang lahat ng alkalde at liga ng mga barangay na tiyakin ang maayos at mahigpit na pagpapatupad ng lahat ng flood control projects at iba pang mahahalagang imprastruktura sa kani-kanilang nasasakupan.
Binigyang-diin ng Isabela Governor Rodito Albano III na ang transparency at accountability ang pangunahing susi upang mapangalagaan ang kaligtasan at kabuhayan ng mga mamamayan. Giit pa niya, hindi ito gagamitin bilang instrumento para abusuhin o pahirapan ang mga kontratista.
Aniya, kung maayos ang konstruksyon at walang bahid ng korapsyon, wala dapat ikabahala ang mga kontratista.
Dagdag pa niya, ang naturang kautusan ay nagmula mismo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos silang ipatawag sa Malacañang, at hindi personal na inisyatiba ng pamahalaang panlalawigan.
Paliwanag ng gobernador, lahat ng ipapasok na proyekto ay dadaan na ngayon sa Regional Development Council (RDC) upang maiwasan ang anumang insertion o pagsisingit ng hindi awtorisadong proyekto.
Hinimok din niya ang mga barangay na panatilihing malinis at functional ang mga natapos na dredging at desiltation projects sa mga daluyan ng tubig upang maiwasan ang pagbaha.
Ayon kay Gov. Rodito, ang sistematikong monitoring at pagtutulungan ng lahat ng sektor ang magsisiguro na ang bawat proyekto ay tunay na makikinabang ang Isabeleño.











