Sa gitna ng patuloy na pagbaha at paghihirap ng mga Pilipino tuwing may malakas na ulan, muling nabubuhay ang tanong: saan napunta ang bilyon-bilyong pondong inilaan para sa flood control projects?
Ang hakbang ng Senate Blue Ribbon Committee na isentro ang imbestigasyon kina dating House Speaker Martin Romualdez at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan ay isang mahalagang yugto sa paghahanap ng kasagutan.
Hindi simpleng usapin ang isiniwalat ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson.
Ang umano’y pagbili ng mamahaling property sa South Forbes Park noong 2023, at ang alegasyong ginamitan umano ng “frontman,” ay nagbubukas ng seryosong usapin tungkol sa conflict of interest, katiwalian, at posibleng paggamit ng pondo ng bayan para sa pansariling kapakinabangan.
Habang nalulunod sa baha ang maraming komunidad, may iilan umanong naliligo sa luho.
Mahalagang idiin na ang imbestigasyon ay hindi paghuhusga—ngunit ito ay isang pananagutan.
Ang pag-imbita kina Romualdez, sa mga sangkot na kontratista, at maging sa Securities and Exchange Commission ay dapat magsilbing patunay na walang sinuman ang higit sa batas.
Sa isang demokrasya, ang kapangyarihan ay may kaakibat na pananagutan, lalo na kung pondo ng publiko ang nakataya.
Sa huli, hindi lang ito tungkol sa isang bahay sa isang eksklusibong subdibisyon. Ito ay tungkol sa tiwala ng taumbayan.
Kung mapapatunayang may anomalya, nararapat lamang na may managot, anumang posisyon o apelyido ang dala. Sapagkat ang tunay na laban kontra baha ay hindi lang sa tubig, kundi sa katiwaliang patuloy na lumulunod sa bayan.











