Inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Cauayan ang pagpapatupad ng four-day work week simula sa susunod na linggo bilang bahagi ng mga hakbang upang makatipid sa enerhiya at iba pang resources.
Ayon sa pahayag ni Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. na sinang-ayunan ng lokal na pamahalaan ang bagong iskedyul ay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi, sa araw ng Lunes hanggang Huwebes. Dahil dito, sarado na ang mga tanggapan tuwing Biyernes, maliban na lamang kung kinakailangan.
Sinabi ng alkalde na ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ng pambansang pamahalaan upang magtipid sa konsumo ng enerhiya, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Kasabay nito, naglabas din ng kautusan ang city government na bawasan ng hanggang 50 porsiyento ang paggamit ng diesel sa mga aktibidad ng lungsod. Nilimitahan din ang hindi kinakailangang pagbiyahe ng mga opisyal at empleyado ng LGU.
Gayunman, tiniyak ng pamahalaang lungsod na mananatiling tuloy-tuloy ang pagbibigay ng serbisyo publiko sa kabila ng pagbabago sa iskedyul.
Hinihikayat din ang mga residente na muling gamitin ang mga bike lane sa lungsod bilang alternatibong transportasyon upang makatipid sa gastos at makatulong sa kalusugan.
Samantala, nanawagan ang alkalde sa publiko na i-report sa kanilang tanggapan ang anumang hindi makatwirang pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel. Bumuo na rin ang LGU ng isang task force na tututok sa monitoring ng presyo ng mga produktong petrolyo sa lungsod.
Aminado ang lokal na pamahalaan na posibleng magkaroon ng bahagyang pagtaas sa presyo ng mga bilihin dahil sa epekto ng mataas na gastusin sa transportasyon, na direktang naaapektuhan ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sa kabila nito, tiniyak ng LGU Cauayan na patuloy nilang babantayan ang galaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin upang maprotektahan ang kapakanan ng mga mamamayan.











