--Ads--

Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court o ICC na limitahan ang dami ng ebidensyang isinusumite ng prosecution sa kanyang kaso.

Sa mosyon na inihain ni defense counsel Peter Haynes, hiniling na limitahan sa 10,000 items ang ebidensya hanggang Oktubre 7, matapos umanong lumobo mula 5,275 noong confirmation phase sa 62,130 items, o halos 1,000% na pagtaas.

Ayon sa depensa, umaabot sa mahigit 320,000 pahina ng dokumento at 1,000 audio at video materials ang kailangang repasuhin, na anila’y makaaapekto sa sapat na oras para makapaghanda para sa paglilitis.

Kinuwestiyon din ni Haynes ang kalidad at organisasyon ng mga karagdagang ebidensya, kabilang ang mga duplicate na dokumento, hindi mabasang files at audio o video na walang salin o transcription.

--Ads--

Nais ng depensa na bumuo ang ICC ng mas organisadong case record na naglalaman lamang ng mga kaugnay na ebidensya, upang mapanatili ang nakatakdang pagsisimula ng paglilitis kay Duterte sa Nobyembre 30, 2026.

Si Duterte ay nahaharap sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay na iniuugnay sa kanyang war on drugs noong siya ay alkalde ng Davao City at pangulo ng bansa.