Hiniling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I na payagan siyang hindi dumalo sa kanyang confirmation of charges hearing na nakatakda sa Pebrero 23–27, 2026.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Duterte: “I, Rodrigo Roa Duterte, wish to waive my right to attend the hearing on the confirmation of charges currently fixed for 23-27 February 2026.”
Ilan sa mga dahilan na kanyang binanggit ang hindi niya pagkilala sa hurisdiksiyon ng ICC. Iginiit din niya na isa siyang Pilipinong sapilitang dinala sa The Hague, Netherlands, na aniya’y labag sa Konstitusyon ng Pilipinas at sa pambansang soberanya.
Ayon pa sa dating pangulo, ang umano’y “pag-kidnap” sa kanya ay pinadali ng tanggapan ng kasalukuyang Pangulo ng Pilipinas, kung saan aniya’y may espesyal pang eroplano na inarkila para sa layuning iyon.
Mariin din niyang itinanggi ang paratang na siya ang nagpasimuno ng isang patakaran hinggil sa extrajudicial killings. Ayon kay Duterte, ang mga akusasyong ito ay pawang gawa-gawa lamang ng kanyang mga kalaban sa politika at nakabatay umano sa testimonya ng mga taong kuwestiyonable ang kredibilidad.
Dagdag pa niya, hindi na niya nais dumalo sa mga pagdinig na aniya’y maaari rin niyang makalimutan agad dahil sa kanyang katandaan at mahinang kalagayan. Sinabi rin niyang tinatanggap na niya ang posibilidad na mamatay sa loob ng piitan, ngunit nananatili umano ang kanyang puso at diwa sa Pilipinas.









