--Ads--

Hiniling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) na huwag na siyang obligahing personal na dumalo sa pag-aanunsyo ng desisyon kaugnay ng kanyang apela.

Sa isang sulat na pirmado at may petsang Abril 10, sinabi ni Duterte na isinusuko niya ang kanyang karapatang makadalo nang personal sa paglalabas ng desisyon sa Abril 22. Ang hatol ay may kaugnayan sa kanyang hamon sa hurisdiksyon ng ICC sa kasong crimes against humanity laban sa kanya.

Ang isyu ng hurisdiksyon ay nananatiling sentro ng depensa ni Duterte. Layunin ng kanyang legal team na baligtarin ang desisyon ng Pre-Trial Chamber I noong Oktubre 2025, kung saan kinatigan na may kapangyarihan pa rin ang ICC na ipagpatuloy ang kaso kahit umatras na ang Pilipinas sa kasunduan ng korte.

Bukod dito, kinukuwestiyon din ng kampo ni Duterte ang mga naunang desisyon kaugnay ng pansamantalang paglaya at ilang findings tungkol sa kanyang kalusugan.

--Ads--

Nauna na ring tumanggi si Duterte na dumalo sa mga pagdinig ng ICC noong Pebrero, maging pisikal man o sa pamamagitan ng video link. Muli niyang iginiit noon na hindi niya kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC.

Sa mga naunang komunikasyon sa korte, inilarawan niya ang sarili bilang “matanda, pagod at mahina,” at binanggit ang posibilidad na siya ay maaaring pumanaw habang nakakulong sa Scheveningen prison sa The Hague.

Kasalukuyang nakakulong ang dating pangulo at nahaharap sa tatlong bilang ng murder bilang crimes against humanity. Ayon sa mga prosecutor, siya ay umano’y “indirect co-perpetrator” sa libo-libong pagkamatay na may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra droga.

Inaasahang magpapasya ang ICC Appeals Chamber kung magpapatuloy pa ang kaso sa ilalim ng hurisdiksyon ng korte.