Pinayagan ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dumalo sa unang status conference kaugnay ng kasong crimes against humanity laban sa kaniya na nakatakda sa Mayo 27.
Ito ay matapos ipabatid ng kaniyang legal team sa tribunal na nais ng dating pangulo na i-waive ang kaniyang karapatang humarap sa naturang pagdinig.
Sa isang pitong pahinang kautusan na may petsang Mayo 22, pinagbigyan ng ICC Trial Chamber III ang kahilingan ng depensa na lumiban si Duterte sa status conference na gaganapin sa The Hague.
Ayon sa korte, iginiit ng depensa na ang obligasyong humarap ng akusado ay karaniwang ipinapatupad lamang sa aktuwal na trial at hindi sa status conference.
Gayunman, inatasan ng tribunal ang kampo ni Duterte na magsumite ng isang written waiver na pirmado mismo ng dating pangulo at kailangang maipasa sa Lunes, Mayo 25.
Samantala, tinanggihan ng ICC ang kahilingan ni Atty. Gilbert Andres, isa sa mga abogado ng mga biktima, na lumahok sa pamamagitan ng remote participation sa status conference. Ayon sa korte, dahil may pisikal na dadalo mula sa kaniyang legal team at may mga limitasyon sa secure na remote connection para sa mga pribadong sesyon, hindi ito pinahintulutan.











