--Ads--

Ipinagbawal ng France ang pagpasok sa kanilang teritoryo ni Itamar Ben-Gvir, far-right National Security Minister ng Israel, matapos lumabas ang video kung saan siya ay nakitang nang-aalipusta sa mga aktibistang sakay ng Global Sumud Flotilla na dinakip ng Israeli navy.

Ayon kay Foreign Minister Jean-Noel Barrot, ang desisyon ay bunga ng “reprehensible actions” ni Ben-Gvir laban sa mga mamamayang Pranses at Europeo na kabilang sa flotilla.

Sa naturang video, makikitang nakaluhod, nakapiring, at nakagapos ang mga aktibista habang si Ben-Gvir ay nakangisi at tila nagtatagumpay.

Ang flotilla, na may sakay na humigit-kumulang 430 katao, ay hinarang ng Israeli navy sa international waters malapit sa Cyprus. Marami sa kanila ang pinalaya na nitong linggo.

--Ads--

Dahil sa insidente, ilang bansa kabilang ang Italy, Netherlands, Canada, Spain, at France ay nagsumite ng protesta laban sa Israel, tinawag ang pagtrato sa mga aktibista bilang “unacceptable” at labag sa dignidad ng tao.

Dagdag pa ni Barrot, ang mga aksyon ni Ben-Gvir ay bahagi ng serye ng mga pahayag at kilos na nag-uudyok ng galit at karahasan laban sa mga Palestino. Nanawagan din siya sa European Union na magpatupad ng sanctions laban sa opisyal.

Samantala, iniulat ng mga organisador ng flotilla na may hindi bababa sa 15 kaso ng sexual abuse sa mga aktibistang ikinulong, kabilang ang rape at iba pang uri ng pang-aabuso. Mariing itinanggi ng Israel Prison Service ang mga alegasyon.