CAUAYAN CITY – Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Luna Police Station sa panghoholdap p ng pitong armadong lalaki sa isang gasoline station sa hangganan ng Dadap, Luna, Isabela.
Iginapos ng mga suspek ang security guard na si Joey Ortega, 25 anyos, residente ng Macaniao Luna, Isabela at Joel Gelacio, 34 anyos, gasoline boy at residente ng Santor, Reina Mercedes, Isabela.
Nadamay din sa kanilang panghoholdap ang mag-asawang Virgilio Tamayo Jr. at Myrene Tamayo, residente ng Mambabanga, Luna, isabela na dumaan sa gasolinahan para singilin ang utang sa load ng security guard.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt Joesbert Asuncion, hepe ng Luna Police Station na dakong alas diyes kagabi nang looban ng hindi pa nakilalang grupo ang Royal Class Gasoline Station.
Nakaupo umano sa likod ng gasolinahan ang gasoline boy at security guard nang biglang sumulpot ang mga holdaper
Hindi na nakabunot ng baril ang security guard dahil agad silang tinutukan ng baril ng mga holdaper at iginapos.
Sapilitan nilang binuksan ang vault sa opisina ng gasolinahan.
Iginapos din nila ang mag-asawang Tamayo at kinuha ang kanilang motorsiklo na ginamit sa pagtakas.
Ayon kay PCapt Asuncion, maaaring pinagplanuhan ng mga holdaper ang kanilang panloloob sa gasolinahan dahil may mga dala silang gamit tulad ng barena at ang tali na ginamit na paggapos sa mga biktima.
Tinangay din nila ang baril ng security guard at CCTV ng gasolinahan.
Hindi pa malinaw kung magkano ang halagang natangay ng mga holdaper.
Samantala, nagtagpuan sa Minante 2, Cauayan City ang motorsiklo na tinangay ng mga holdaper na pag-aari ng mag-asawang Tamayo.
Iniwan ang motorsiklo sa shoulder ng daan.
Nakita ito ng isang police woman na taga-Lunsod ng Cauayan at kasapi ng Luna Police Station habang papasok sa kanilang himpilan.
Nagtugma ito sa plaka at description ng motorsiklo na tinangay ng mga holdaper.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Barangay Kagawad Danilo Agsunod ng Minante 2, Cauayan City na may nakakita na iniwan ng dalawang lalaki ang motorsiklo sa nasabing lugar kaninang alas singko ng madaling araw.
Ang akala ng nakakita ay naubusan ng gasolina at iniwan ng mga sakay nito para bumili ng gasolina.






