Nagdulot ng pangamba sa ilang mga residente ang insidenteng kinasangkutan ng isang Ginang na umano’y tumalon sa Sipat Bridge sa District 3, Cauayan City kagabi, April 13.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Danny Dayot, isa sa mga unang nakasaksi sa pangyayari, sinabi niya na bandang alas-7 kagabi nang mapansin nila ang naturang ginang na palakad-lakad sa lugar at tila balisa.
Nakayuko umano ito at natatakpan ng buhok ang mukha dahilan upang kabahan ang ilang residente lalo na at may ilan pang mga bata na naglalaro sa labas.
Aniya, makalipas lamang ang ilang sandali ay bigla na lamang tumakbo ang babae nang paikut-ikot sa may maisan bago tuluyang nagtungo sa tulay. Dito na umano siya tumalon kasabay ng pagdaan ng isang lalaking naka-motor na siya ring nakarinig ng sigaw ng babaeng tumalon.
Agad namang lumusong sa tubig ang lalaking naka-motorsiklo upang sagipin ang biktima. Tinulungan din ito ng ilang mga residente habang tinatawagan ang rescue team.
Nang maiahon sa tubig ay agad namang na-revive ang babae sa tulong ng mga rumespondeng awtoridad subalit binawian din ng buhay nang maisugod sa pagamutan.
Ayon kay Ginoong Danny, hanggang beywang lamang ang lalim ng tubig ng lugar kaya posibleng tumama ang biktima sa mga bato sa ilalim ng ilog na nagresulta sa agarang paglutang ng katawan nito dahil na rin sa matinding injury.











