CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang Ginang matapos umanong makuryente sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Nika sa Barangay Garit Norte, Echague, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jenny Hanna Lorenzo, anak ng biktima, sinabi niya nasa loob ng bahay ang buo nilang pamilya habang nag-aantay ng mga awtoridad na magre-rescue sa kanila.
Sinabihan pa umano sila ng biktima na manatili lamang sa loob ng bahay dahil lubhang delikado sa kanila ang lumabas kaya naman hindi nila akalain na lumabas pala ang kanilang nanay.
Maari umanong lumabas ito para salubungin ang mga rescuer ngunit naapakan nito ang live wire na noo’y nakalaylay dahil sa pagbagsak ng puno ng mangga.
Aniya, bubuksan umano sana ng kaniyang nanay ang gate ngunit dahil sa naapakan nito ang wire ng kuryente ay naging sanhi ito para bawian siya ng buhay.
Wala naman umanong tustos ng kuryente nang maganap ang insidente.
Naisugod pa naman umano siya sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician.