CAUAYAN CITY – Patay ang isang ginang matapos magulungan ng isang sasakyan nang tumilapon siya at kanyang mister matapos mabangga ng sinasakyan nilang motorsiklo ang isang baka na biglang tumawid sa pambansang lansangan.
Ang ginang ay si Genevieve Ramos, 23 anyos at residente ng San lorenzo, Ilagan City.
Ang nagmaneho ng motorsiklo ay ang mister na si Marvin Ramos, 26 anyos at isang delivery boy.
Sa pagsisiyasat ng Ilagan City Police Station, binabagtas ng mag-asawa ang kahabaan ng pambansang lansangan sa marana 1st, Ilagan City sakay ng motorsiklo patungong north direction nang mabangga ang isang baka na biglang tumawid sa daan.
Tumilapon sa kabilang linya ng daan si Genevieve at sa kanyang pagkakahandusay sa daan ay nasagasaan siya ng paparating na sasakyan.
Nagulungan ang kanyang paa at ulo na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Agad umalis ang sasakyan patungong south direction ngunit naiwan sa pinangyarihan ng aksidente ang head light ng sasakyan.
Dinala sa ospital ang mister ni Genevieve na nagtamo ng mga sugat sa katawan.
Inaalam pa ng pulisya kung sino ang may-ari ng baka at ang sasakyan na nakabangga sa ginang.




