
CAUAYAN CITY – Patay ang isang ginang matapos na pagsasaksakin habang natutulog ng dating kinakasama ng kanyang anak sa San Antonio, Aglipay, Quirino.
Ang biktima ay si Mercedes Cabatic, 54 anyos, residente ng nasabing barangay habang ang suspek ay si Rustom Dingli, dating ice cream vendor at residente ng Pinaripad Sur, Aglipay, Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt William Agpalza, hepe ng Aglipay Police Station, sinabi niya na bago naganap ang pananaksak sa biktima ay nanood siya ng telebisyon sa sala ng kanilang bahay hanggang makatulog.
Bukas ng pintunan ng bahay kaya nakapasok ang suspek na sumaksak sa leeg at dibdib ng ginang.
Ayon pa kay PCpt Agpalza, sinabi ng nakatatandang anak ng biktima na si Ronnel Cabatic na narinig niyang sumigaw ang kaniyang ina at sinasabing papatayin siya ng suspek kaya nagtungo siya sa kanilang sala at nakita ang duguang katawan ng ina.
Nakita rin niya ang paalis na si Dingli na lulan ng isang motorsiklo.
Sa pagtugon ng mga kasapi ng Aglipay Police Station ay nadakip si Dingli at nang tanungin ng mga pulis ay sinabi niya na nagawa niyang patayin ang biktima dahil sa kanyang sama ng loob.
Si Mercedes Cabatic ang ang sinisisi ng suspek kung bakit siya hiniwalayan ng kaniyang kinakasama na anak ng biktima gayundin na pinagbabawalan umano siyang makita ang kanyang mga anak na nasa poder ng ginang.












