CAUAYAN CITY – Gustong makipag-usap ni Governor Rodito Albano kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagkakasangkot ng isa sa mga kongresista ng Isabela sa umano’y katiwalian sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Governor Rodito Albano na hindi siya naniniwala na sangkot si Congresswoman Sheena Tan sa korapsyon.
Aniya, kailanman ay hindi pa niya nakita ang mambabatas sa mga tanggapan ng DPWH at kapag nagkakaroon ng proyekto ay ipinaglalaban niya sa kongreso.
Kaisa-isa aniyang anak na babae ang mambabatas kaya sigurado siyang hindi niya dudungisan ang pangalan ng kanilang pamilya.
Sa kanya ring pagkakaalam ay walang construction firm sa Isabela ang mga Tan.
Sinabi ng gobernador na makikipag-usap siya sa pangulo para alamin kung paano sila nagkaroon ng ganoong listahan at nadawit ang pangalan ni Congresswoman Sheena Tan.






