--Ads--

CAUAYAN CITY – Kinumpirma  ni Governor Dakila Carlo Cua na kasambahay nila ang kauna-unahang nagpositibong kaso ng COVID-19 sa Lalawigan ng Quirino.

Sa naging pahayag ni Gov. Cua, sinabi niya na ang pasyente ay isang 24 anyos na kasambay nila sa kanilang bahay sa Cabarroguis, Quirino.

Ayon kay Gov. Cua, walang travel history o nakasalamuhang COVID-19 positive si CV481 dahil mula noong Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay hindi umalis ang kanilang pamilya maging ang kanilang mga kasambahay.

Unang na-admit ang pasyente sa Quirino Province Medical Center (QPMC) dahil sa pananakit ng tiyan at non-COVID related ang diagnosis ng doktor ngunit bilang pag-iingat ay isinailalim ang pasyente sa RT-PCR Test.

--Ads--

Matapos malaman na COVID-19 positive, si CV481 ay ipina-confine sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City at agad na isinagawa ang contact tracing.

Sumasailalim na sa quarantine  ang buong household ni Gov. Cua at mga medical health workers na nakasalamuha ng pasyente noong ma-admit siya sa QPMC.

Ayon kay Gov. Cua, hindi nila lubos maisip kung paano nagkaroon ng virus ang kanilang kasambahay dahil hindi naman siya lumalabas ng bahay.

Pinaalalahanan  ng gobernador ang lahat na mag-ingat upang maging ligtas sa COVID-19.

Nilinaw ni Gov. Cua na kahit nasa lockdown ang kanilang household ay mananatili pa ring bukas ang pamahalaang panlalawigan ng Quirino at hindi titigil ang serbisyo sa mga mamamayan.

Ang pahayag ni Gov. Dakila Carlo Cua