--Ads--

Sinuspinde ni Governor Atty. Jose V. Gambito ang lahat ng quarry permits sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Gambito, ipinaliwanag niya na una na siyang nagbigay ng permit para sa quarry operation sa lalawigan sa kondisyong makapagsumite ang mga operator ng Environmental Compliance Certificate (ECC).

Gayunman, dahil marami pa sa mga quarry operator ang hindi nakakakuha ng ECC, napilitan siyang suspindehin muna ang lahat ng permits.

Ayon pa kay Governor Gambito, una nang nasuspinde ang isang Punong Lalawigan sa loob ng siyam na buwan dahil lamang sa pag-iisyu ng quarry permit kahit hindi pa nakakapag-comply ang mga operator sa ECC.

--Ads--

Aniya, ayaw niyang mangyari rin sa kanya ang parehong kaso kaya’t nagdesisyon siyang ipasuspinde ang lahat ng permits.

Samantala, muli namang nagbabala ang gobernador laban sa mga quarry operator na nag-o-overprice sa kanilang gravel at sand.

Aniya, may mga ulat na nakararating sa kanya na doble hanggang triple ang presyo ng graba na ibinibenta ng ilang operator.

Babala niya, posibleng maharap sa blacklisting ang mga mapapatunayang nag-o-overprice sa kanilang produkto.