CAUAYAN CITY – Pinag-aaralan ng pamahalaang panlalawigan ang pagsailalim din sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa iba pang bayan na mataas ang bilang ng mga tinamaan ng Coronavirus Disease (COVID-19) tulad ng Gamu at Tumauini, Isabela na kalapit na bayan ng Lunsod ng Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, muling nakiusap si Governor Rodito Albano sa mga mamamayan na patuloy na sumunod sa mga panuntunan at health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield at pagsunod sa social distancing para mahadlangan ang patuloy na pagtaas ng COVID-19 positive sa Isabela.
Nagbabala si Gov. Albano na mapipilitan siyang ipatupad sa buong Isabela ang ECQ kapag patuloy ang pagtaas ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Una rito ay inaprubahan ng Provincial Inter-Agency Task Force (PIATF) ang pagdedeklara ng ECQ sa Lunsod ng Ilagan.
Sinabi ni Gov. Albano na naidulog na niya sa National Inter-Agency Task force (NIATF) ang kahilingan ng Pamahalaang Lunsod na isailalim sa ECQ ang lunsod dahil sa local transmission ng COVID-19.
Ayon pa kay Gov. Albano, bukas sila sa posibleng pagpapalawig sa ECQ ngunit nakasalalay ito sa mga maitatalang kaso ng COVID-19 sa mga darating na araw at rekomendasyon ng NIATF.
Maliban sa pagtaas ng bilang ng mga COVID-19 positive ay tumataas na din ang mga naitatalang COVID-19 related death sa Lunsod ng Ilagan.




