--Ads--

Nabahala ang mga ekonomista sa mabagal na paggastos ng pamahalaan dahil sa imbestigasyon sa mga infrastructure project, na bagama’t nakapigil sa paglawak ng deficit ay maaaring makaantala sa mga pangunahing stimulus program.

Iniulat ng Bureau of the Treasury na umabot sa ₱1.11 trilyon ang fiscal deficit ng Pilipinas mula Enero hanggang Oktubre 2025. Sa kabila ng malakas na koleksiyon, nananatiling mahina ang paggasta kaya’t nasa 70.83% pa rin ng ₱1.56 trilyong full-year ceiling ang deficit.

Nagtala ang gobyerno ng ₱11.2 bilyong surplus noong Oktubre, mas mataas ng 76% kumpara noong 2024. Tumaas ang tax revenues ng 7.45% sa ₱3.47 trilyon, pinalakas ng BIR at BOC collections, habang bumagsak naman ng 36.71% ang non-tax revenues dahil sa pagkawala ng isang beses na windfall receipts.

Umabot sa ₱4.91 trilyon ang kabuuang gastos, na minimal lang ang 3.9% na paglago dahil sa paghina ng infrastructure spending, kasunod ng mga imbestigasyon sa DPWH at flood-control projects. Samantala, tumaas ng 13.24% ang interest payments na umabot sa ₱723.2 bilyon.

--Ads--

Dahil dito, lumaki sa ₱382.9 bilyon ang primary deficit, nagpapakita ng hamon sa gobyerno na pondohan ang mga programa habang tumataas ang gastos sa pagbayad-utang.