--Ads--

Sinisiyasat ngayon ng mga otoridad ang pagkakatagpo sa labi ng isang Grade 7 student sa isang kanal sa gitna ng walang tigil na pag-ulan sa Baguio City.

Simula pa noong nakaraang linggo ay nakaranas na ng malalakas na ulan ang Baguio City, dahilan upang ilang klase ang kinansela.Gayunpaman, una munang sinuspinde ng lokal na pamahalaan ang klase mula preschool hanggang Grade 6 lamang noong Lunes.

Bandang alas-12:59 ng tanghali, pinalawig ng City Information Office ang suspension mula preschool hanggang senior high school dahil sa patuloy na epekto ng habagat.

Kinagabihan, kumalat online ang malungkot na balita tungkol sa pagkasawi ng naturang estudyante. Ayon sa mga unang ulat, nadulas umano ang bata sa kalsada na lubhang madulas dulot ng walang tigil na ulan.

--Ads--

Batay sa ulat natagpuan ng isang residente ang katawan ng Grade 7 student mula sa pampublikong paaralan sa Guisad, habang nililinis niya ang kanal sa harap ng kanilang bahay upang bumaba ang lebel ng tubig.

Humingi siya ng tulong sa gwardiya ng Bureau of Plant and Industry upang mailabas ang estudyante mula sa kanal. Tinangka nilang sagipin ang bata ngunit hindi na ito umabot pa.

Ayon sa imbestigasyon, posibleng nangyari ang insidente dakong ala-1 ng hapon—oras na kasunod ng suspensiyon ng klase sa sekondarya.

Sa ngayon, hindi pa rin kumpirmado ng pulisya ang eksaktong sanhi ng pagkamatay ng bata, sa kabila ng mga ulat na nadulas ito sa madulas na kalsada at nahulog sa kanal.